--Ads--

Baguio City – Nasawi ang driver at dalawang pasahero ng isang forward closed van truck matapos maaksidente sa Bokawkan Road, Baguio City, pasado alas-tres ng madaling araw.

Kinilala ang driver na si Reneboy Patricio Solano, residente ng Tabing Ilog, Marilao, Bulacan. Ang mga pasahero naman ay sina Loui Niño M. Morada at Larry B. Vasquez.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon at salaysay ng mga nakakita, habang pababa ang nasabing truck sa Lower Bokawkan Road, napansin nilang umuusok ang gulong ng sasakyan—na posibleng senyales ng pagkasira ng preno.

Gumewang ang sasakyan hanggang sa mabangga nito ang paakyat na Tamaraw FX.

Dahil sa lakas ng impact, naitulak ang Tamaraw FX sa glass door ng isang kalapit na establisyemento. Patuloy namang inararo ng truck ang ilang traffic signs at isang nakaparadang sasakyan.

Agad na nabigyan ng paunang lunas ang driver ng Tamaraw FX, na kasalukuyang nagpapagaling sa isang pagamutan.

Umabot ng halos isang oras bago mailabas ang katawan ng tatlong biktima na naipit sa loob ng truck. Kinailangan pang gumamit ang mga rescuer ng power tools upang maisagawa ang rescue operation.

Kargado ang truck ng mga kagamitang pangsasakyan tulad ng gulong, langis, at iba pang spare parts.

Sa kasalukuyan, nasa Baguio Memorial Chapel na ang mga labi ng mga nasawi, habang patuloy na nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa kani-kanilang pamilya.

Patuloy rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.

Kaugnay nito, bumuo na ng mga estratehiya ang mga kinauukulan upang mabawasan ang bilang ng mga vehicular traffic accident sa lungsod—kabilang dito ang information education campaign, ang Oplan DRIVE (Discipline, Respect, Infrastructure, Vigilance, and Education), at ang paglalagay ng karagdagang road signages.