Via Bombo Cara Sacyaten
Sugatan ang tatlong indibidwal matapos mahulog sa bangin ang dalawang sasakyan sa magkahiwalay na aksidente sa bayan ng Buguias, Benguet noong Biyernes, Oktubre 23, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCapt. Filmore Pasiwen, Acting Chief of Police ng Buguias Municipal Police Station, na unang naitala ang aksidente sa Bayoyo, Buyacaoan, kung saan nahulog sa tinatayang 15 metrong lalim na bangin ang isang Mitsubishi Adventure.
Ayon kay Pasiwen, nadulas ang mga gulong ng sasakyan dahil sa basang kalsada, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver at mahulog ito sa bangin.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang dalawang indibidwal na sakay ng sasakyan.

Samantala, isa pang aksidente ang naitala sa Barangay Lengaoan, kung saan nahulog din sa bangin ang isang Toyota Fortuner.
Ayon kay Pasiwen, madulas din ang kalsada sa lugar, habang hindi naman natantiya ng driver ang kurbadang bahagi nito, dahilan upang mahulog ang sasakyan.
Nagtamo ng mga sugat ang driver at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Batay sa ulat ng pulisya, kabilang sa mga accident-prone area ang mga lugar kung saan nangyari ang dalawang aksidente.
Sa kabila nito, ligtas na ang tatlong indibidwal na sangkot sa magkahiwalay na insidente.
Dahil dito, nagpaalala si Pasiwen sa mga motorista, partikular sa mga bumibiyahe sa Halsema Highway, na mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na kapag basa ang kalsada.
Binigyang-diin niya na isa ang madulas na kalsada sa mga napansing sanhi ng mga aksidente sa lugar, kaya mahalagang magbagal, panatilihin ang tamang distansiya sa ibang sasakyan, at mag-ingat sa pagdaan sa mga kurbada upang maiwasan ang kahalintulad na insidente. //via Bombo Cara Sacyaten











