Patay ang tatlong pulis matapos malunod, nang lumubog ang kanilang bangka sa Lubong, Langnao, Calanasan, Apayao noong December 6.
Nakilala ang mga nasawi na sina Patrolman Halterlic Pallat, Patrolman Resty Bayog, at Patrolman John Lorenzo Togay-an Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Lieutenant Brendon Batoon,Deputy Chief of Police ng Calanasan Police Station, sinabi nitong isang team na binubuo ng walong pulis mula sa 2nd Apayao Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang magsasagawa sana ng follow-up investigation at magsisilbi ng arrest warrant laban sa isang suspek ng shooting incident nang mangyari ang insidente.
Ayon pa kay Police Lieutenant Batoon, habang binabaybay ng mga pulis ang ilog, biglang tumaob ang kanilang bangka dahil sa malakas na agos ng tubig dulot ng tuluy-tuloy na pag-ulan sa nasabing lugar.
Limang pulis ang nakaligtas sa insidente, habang tatlo ang nalunod at naiwang nawawala.
Sa pagsusumikap ng mga otoridad at volunteers, natagpuan ang bangkay ni Patrolman Pallat noong December 6 sa Kabugao, Apayao.
Sumunod na natagpuan ang bangkay ni Patrolman Bayog noong December 7 sa bahagi ng Barangay Musimut, Kabugao, Apayao.
Nito lamang umaga, natagpuan ang bangkay ni Patrolman Togay-an Jr. sa Barangay Lower Atok, Flora, Apayao.
Naiuwi na ang mga labi nina Patrolman Pallat at Patrolman Bayog, at inaasahang maiuuwi na rin ang bangkay ni Patrolman Togay-an ngayong araw.//mp4&vy