Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng insidente ng robbery with intimidation sa isang money transfer agency o remittance center sa Bakakeng Norte, Baguio City, bandang alas-dos ng hapon noong Oktubre 29.
Batay sa ulat ng pulisya, agad silang nagsagawa ng dragnet operation matapos makatanggap ng impormasyon upang matukoy at maaresto ang mga suspek.
Sa panayam ng pulisya sa 28-anyos na lalaking security guard at 29-anyos na babaeng branch assistant ng nasabing remittance center, napag-alamang dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang sangkot sa insidente. Pareho umanong nakasuot ng itim na damit, jacket, at bonnet.
Idinagdag pa na ang isa sa mga suspek ay nakasuot ng helmet nang mangyari ang insidente.
Ayon sa kanilang salaysay, nilapitan muna ng dalawang suspek ang security guard bago nagdeklara ng holdap.
Noong mga sandaling iyon, nasa harapang bahagi ng establisimyento ang branch assistant at inaayos ang iba’t ibang alahas na nakadisplay sa showcase.
Inutusan umano ng isa sa mga suspek ang empleyado na buksan ang jewelry showcase at saka kinuha ang mga alahas, habang ang isa naman ay nagbabantay at nagpipigil sa security guard.
Matapos makuha ang mga alahas, agad na tumakas ang dalawang suspek.
Kabilang sa mga natangay ang mga kuwintas, singsing at pulseras na tinatayang nagkakahalaga ng ₱2 milyon.
Samantala, rumesponde rin ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang magsagawa ng pagsusuri at kaukulang pagproseso sa pinangyarihan ng krimen.
Sa pinakahuling ulat, humiling na rin ang pulisya ng tulong mula sa Land Transportation Office (LTO) upang matukoy ang plaka ng motorsiklong ginamit ng mga suspek sa kanilang pagtakas.











