Baguio City — Mapapanood muli ang pinakamalaking cycling event sa Pilipinas sa susunod na taon matapos mangako ang mga organizers na mas magiging malaki at kapana-panabik ang prestihyosong tournament.
Ito ang magandang balitang inanunsyo ng organizing committee sa pagtatapos ng ikalawang edisyon ng na may temang “A Heritage in Motion,” na ginanap sa Camp John Hay dito sa City of Pines.
Umabot sa halos 100 elite riders mula sa 13 koponan ang lumahok sa pinakamalaking cycling competition sa bansa na nagsimula sa Stage 1 sa Calatagan, Batangas at nagtapos sa Stage 14 sa Scout Hill, Camp John Hay, Baguio City.
Tinanghal bilang overall champion sa Individual General Classification ang Russian rider na si Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle Team matapos lamangangan ng isang minuto at 34 segundo ang French cyclist na si Antoine Huby ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines.
Namayagpag naman si Huby matapos masungkit ang tatlong major awards kabilang ang Stage Individual Classification, Individual Mountain Classification o Eagle of the Mountain, at Individual Points Classification para sa Sprint category.
Kinilala rin bilang Most Combative Rider ang Korean rider na si Joo Dae Yeong dahil sa kanyang agresibo at matapang na pag-atake sa iba’t ibang stages ng karera.
Nakuha naman ni Yousef Ibrahiem Alrefai ng LCW ang Best Young Rider Classification bilang pinakamahusay na batang siklista sa kompetisyon.
Sa Team General Classification, itinanghal namang overall best team ang 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines matapos ang kanilang consistent na performance sa kabuuan ng Tour.
Matagumpay namang naisagawa ang MPTC Tour of Luzon 2026 sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee at PhilCycling.| via Bombo Jordan Tablac











