BAGUIO CITY – Bumaba ang tourist arrival sa lungsod ng Baguio nitong mga nakaraang araw matapos maideklara ang gastroenteritis outbreak.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni City Administrator Engr. Bonifacio dela Peña, humigit-kumulang tatlumpong porsyento ang binaba ng tourist arrival.
Ito ay base na rin sa datus ng mga rehistradong hotel accomodation establishment sa lungsod na naapektuhan.
Gayunpaman, sinabi ni Dela Peña na nakakabawi naman ang mga ito dahil unti-unting dumadami ang umaakyat na turista kasabay ng papalapit na pagsalubong sa Panagbenga Festival.
Ipinaliwanag naman ng nasabing opisyal na ang pagdeklara ng lokal na gobyerno ng gastroenteritis outbreak sa lungsod noong nakaraang linggo ay magandang hakbang dahil nabigyan ng kaalaman ang mga residente at turista na siyang naging daan upang maiwasan ang pagtaas ng kaso ng nasabing sakit.
Matatandaan na nito lamang ika-labing walo ng Enero ay inanunsiyo ni Mayor Magalong na nagtapos na ang outbreak ng gastroenteritis sa lungsod dahil sa pagbaba ng kaso.
Samantala, inaasahang maglalabas ang lokal na gobyerno ng listahan ng mga legal at rehistrado na water distributor sa lungsod para masiguro na ligtas at malinis ang kinukunsumo na tubig ng mga residente.