--Ads--

Matutuloy ang transport strike laban sa value-added tax (VAT) at excise tax sa mga produktong petrolyo sa Lunes sa buong bansa.

Ito ay sa kabila ng pag-apruba sa dagdag na isang pisong pamasahe para sa mga pampublikong sasakyan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Mody Floranda, National President ng PISTON, sinabi nitong nananatili ang kanilang panawagan na ibaba sa P55 kada litro ang presyo ng petrolyo.

Ayon kay Floranda, maliit lamang umano para sa kanila ang isang pisong dagdag-pasahe. Bagama’t sa unang tingin ay makatutulong ito sa mga driver at operator, aniya, wala itong saysay dahil hindi nito natutugunan ang malaking epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo, kung saan umaabot na umano sa P50 kada litro ang diesel.

Wala rin umano itong magiging malaking epekto kung patuloy pang tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa mga susunod na araw.

Aniya, maliit at hindi sapat ang ibinigay na dagdag-pasahe ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), lalo na’t kasabay nito ang panawagan para sa dagdag-sahod ng mga manggagawa.

Binigyang-diin ni Floranda na hangga’t nananatiling mataas ang buwis sa mga produktong petrolyo, hindi umano maresolba ng pamahalaan ang pangunahing problemang kinakaharap ng mga driver at operator, gayundin ng mga ordinaryong mamamayan.