Nakakapanggalaiti umano ang panibagong pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo, na inaasahang aabot sa P10.50 hanggang P11 kada litro.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mody Floranda, National President ng PISTON, sinabi niyang halos apat na linggo nang tuloy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo, kabilang ang diesel at gasolina.
Ayon kay Floranda, lalo nitong palalalain ang patuloy na pagbulusok ng kabuhayan ng mga drayber, operator, at mamamayan dahil kaakibat ng pagtaas ng presyo ng petrolyo ang patuloy ding pagtaas ng presyo ng mga bilihin, na hindi na umano kayang sabayan ng maliit na kita at sahod ng mga manggagawa.
Nakakadismaya rin umano na tila taga-anunsyo na lamang ang Department of Energy (DOE) sa mga kompanya ng langis kung magkano ang magiging taas o baba ng presyo ng petrolyo.
Aniya, umaabot na umano sa P93 kada litro ang presyo ng ilang produktong petrolyo sa National Capital Region (NCR). Kung madadagdagan pa ito ng P12 kada litro, aabot umano sa P102 ang presyo, na mas mataas kumpara sa ibang rehiyon.
Halimbawa, kung kumokonsumo ng 30 litro ng gasolina o diesel kada araw ang isang drayber, tinatayang nasa P1,000 umano ang napupunta sa mga kompanya ng langis araw-araw.
Muli ring iginiit ni Floranda ang panawagan na repasuhin ang Oil Deregulation Law, na aniya ay may kaugnayan sa kasalukuyang sistema ng pagpepresyo ng produktong petrolyo.
Samantala, kabilang ang PISTON sa mga grupong makikilahok sa paggunita ng anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law sa Lunes, kasama ang iba pang grupo at sektor.










