BAGUIO CITY – Nababahala ngayon ang Baguio City Police Office sa posibleng pagtaas pa ng kaso ng mga naaabandona na sanggol at fetus sa lungsod ng Baguio ngayong taon.
Batay kasi sa rekord ng Women’s and Children’s Protection Desk ng pulisya, tatlong kaso na ng pag-abandona ng sanggol at fetus sa lungsod ang kanilang naitala sa unang kwarter pa lamang ng kasalukuyang taon.
Mas mataas ito kung ikukumpara sa tatlong kaso na naitala noong nakaraang taon.
Mula sa tatlong kaso na naitala nila noong 2023, dalawa dito ang inabandona na fetus at isa naman na sanggol kung saan natagpuan ang mga ito sa isang compound sa Barangay Military Cut-Off at Lower Rock Quarry, Baguio City.
Kaugnay nito, isa lamang sa mga suspek ang natukoy ng mga otoridad, ito ay isang babae, kung saan inihahanda na ang kasong kriminal laban sa kanya.
Samantala, sa kaso naman ngayong taon, dalawang sanggol ang naabandona kung saan natagpuan ang mga ito sa Barangay Loakan Proper, Baguio City at sa Baguio City Cathedral sa parehong araw noong nakaraang buwan ng Marso habang ang isang fetus ay natagpuan sa isang comfort room sa Melvin Jones, Baguio City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inamin ni PMaj. Harriet Bulcio, tagapagsalita ng Baguio City Police Office, nahihirapan silang tukuyin ang mga suspek dahil sa kawalan ng CCTV sa pinangyarihan ng insidente habang nakatago naman ang mukha ng mga ito.
Gayunpaman, tiniyak ni PMaj. Bulcio na patuloy ang kanilang paghahanap sa mga suspek para mabigyan ang mga ito ng karampatang parusa.
Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya ng Reception and Study for Children Center ng Department of Social Welfare and Development ang mga naabandonang sanggol at inihahandana ang kanilang mga dokumento para sa adoption.