BAGUIO CITY – Pinangangambahan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na posibleng maapektuhan ang industriya ng turismo sa Summer Capital of the Philippines lalo na sa nalalapit na Baguio Flower Festival o Panagbenga Festival sa susunod na buwan dahil sa outbreak ng acute gastroenteritis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio sa alkalde, sinabi nito na wala siyang pakialam kung maapektohan ang turismo ng lungsod dahil ang pinakamahalaga aniya dito ay matiyak ang ligtas na kalusugan ng mga tao.
Tiniyak naman nito na ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat para mapigilan at masolusyonan ang pagkalat ng acute gastroenteritis.
Dagdag ng opisyal na nakikipagtulungan din dito ang Department of Health – Cordillera, Baguio Water District, Philippine National Police at iba pang volunteers para sa agarang pagpuksa sa impesksiyon.
Matatandaang umaabot na sa mahigit 2,000 ang naitalang insidente ng naturang sakit simula pa noong Disyembre 21, 2023.
Una na ring sinabi ni Dr. Celia Brillantes, acting officer ng Baguio City Health Services Office na fecal contamination ang dahilan ng acute gastroenteritis outbreak base sa inisyal na resulta ng water testing ng lungsod.
Gayunpaman, inaalam pa nila ang source ng naturang kontaminadong tubig.
Ayon pa sa kanya, bumababa na rin ngayong ang naiuulat na kaso ng acute gastroenteritis sa City of Pines.