--Ads--

Nagpahayag ng suporta ang Estados Unidos sa Pilipinas matapos ipahayag ng Department of National Defense (DND) ang pagkabahala sa kamakailang ballistic missile launch ng China sa South Pacific.

Ayon kay U.S. Ambassador to the Philippines Lee Lipton, ang naturang missile launch ay nakaaapekto sa katatagan ng rehiyon at nagpapakita umano ng mabilis at hindi malinaw na pagpapalawak ng nuclear weapons program ng China.

Muli ring tiniyak ni Lipton ang matatag na alyansa ng Estados Unidos at Pilipinas at ang patuloy nitong suporta sa seguridad ng bansa.

Nauna nang inilarawan ng DND ang missile test bilang isang “reckless display of military power,” habang sinabi ni DND spokesperson Arsenio Andolong na isa itong hakbang ng pananakot at walang mapayapang layunin.

Samantala, ayon sa Chinese state media na Xinhua, inilunsad ang ballistic missile mula sa isang nuclear submarine ng People’s Liberation Army Navy patungo sa international waters ng Pacific Ocean.