--Ads--

Kinumpirma ng French health ministry ang unang kaso ng Ebola sa bansa, sa gitna ng patuloy na outbreak sa Democratic Republic of Congo (DRC).

Ayon sa ulat, ang pasyente ay isang doktor na dumating sa Paris noong Martes matapos bumiyahe mula Kinshasa sakay ng komersyal na Air France flight. Inilarawan ng awtoridad na halos walang sintomas ang pasyente sa paglalakbay maliban sa pananakit ng ulo, ngunit kalaunan ay isinailalim sa isolation at agarang gamutan paglapag sa France.

Sinabi ng health ministry na “stable” ang kondisyon ng pasyente at mababa ang viral load. Natukoy na rin ang ilang posibleng nakasalamuha, kabilang ang limang pasahero na isinailalim sa isolation bilang pag-iingat.

Ayon sa World Health Organization (WHO), nananatiling mababa ang pangkalahatang panganib ng pagkalat ng sakit sa labas ng Africa, bagama’t patuloy ang monitoring.

Ang kaso ay kaugnay ng patuloy na Ebola outbreak sa DRC na dulot ng Bundibugyo strain—isang uri ng virus na wala pang aprubadong bakuna o tiyak na lunas. Mahigit 1,000 na ang naitalang kaso sa DRC, na may daan-daang nasawi.

Sinabi rin ng isang international humanitarian group na ang pasyente ay isa sa kanilang doktor at kasalukuyang iniimbestigahan kung paano ito nahawa.