--Ads--

Umabot na sa 1,155 ang kumpirmadong kaso ng Ebola sa Democratic Republic of Congo (DRC), kabilang ang 304 na nasawi, ayon sa pinakahuling ulat ng pamahalaan.

Naitala ang 37 bagong kaso at limang panibagong pagkamatay sa loob ng 24 oras, habang sinabi ng mga health official na patuloy ang pagtaas ng hawaan sa mga komunidad sa kabila ng mas pinaigting na surveillance at mas maagang pagtukoy sa mga kaso.

Samantala, inanunsyo ng World Health Organization (WHO) na sisimulan sa susunod na linggo ang clinical trial ng dalawang posibleng gamot laban sa Ebola outbreak na dulot ng Bundibugyo virus, isang uri ng Ebola na wala pang aprubadong bakuna o lunas.

Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, susuriin sa pag-aaral ang bisa ng monoclonal antibody MBP134 at antiviral drug na remdesivir, mag-isa man o pinagsama, upang mabawasan ang bilang ng mga namamatay sa sakit.