--Ads--

Nagsagawa ang militar ng Estados Unidos ng panibagong airstrike sa Iran na tumarget sa isang military site sa Bandar Abbas na umano’y banta sa mga puwersa ng Amerika at sa mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz, ayon sa isang opisyal ng US.

Ayon sa ulat, pinabagsak din ng US ang apat na Iranian attack drones sa lugar. Sinabi ng opisyal na depensibong hakbang lamang ito upang mapanatili ang umiiral na ceasefire sa pagitan ng dalawang bansa.

Nagkaroon umano ng tatlong pagsabog sa Bandar Abbas nitong Huwebes, ayon sa Iranian media.

Samantala, pinabulaanan ni US President Donald Trump ang ulat ng Iranian state TV hinggil sa umano’y draft agreement para maibalik sa normal ang commercial shipping sa Strait of Hormuz at bigyang bahagi ang Iran at Oman sa pamamahala nito.

Giit ni Trump, walang bansa ang dapat magkaroon ng kontrol sa naturang international waterway.

Patuloy namang naninindigan ang Iran sa kanilang uranium enrichment program at sa panawagang alisin ang sanctions laban sa bansa.

Libo-libo na ang nasawi sa tatlong buwang sigalot na nagsimula noong Pebrero matapos ang mga pag-atake ng US at Israel sa Iran. Patuloy ring naaapektuhan ang pandaigdigang presyo ng langis dahil sa tensyon sa rehiyon.