MARYLAND, USA – Kinumpirma ng Philippine Embassy sa Washington DC na walang Pilipino na nadamay sa pagbagsak ng Francis Scott Key Bridge sa Baltimore, Maryland, USA kamakailan lamang.
Sa kasalukuyan ang nakikipag-ugnayan ang embahada sa mga otoridad para sa posibleng presensiya ng mga Filipino crew members na nasa Singaporean cargo ship na bumangga sa nasabing tulay.
Una nang naideklara ang state of emergency sa Maryland at Baltimore habang nagpapatuloy pa ang search and rescue operations sa mga nawawalang biktima.
Pinangangambahan naman ng mga otoridad sa Baltimore ang posibleng pagkasawi ng anim na construction workers na kasalukuyang nag-aayos ng potholes matapos silang mahulog sa Patapsco river noong bumagsak ang tulay.
Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad para malaman kung ano ang nangyari sa cargo ship na bumangga sa tulay na dahilan ng pagbagsak nito.
Nilinaw naman ng Federal Bureau of Investigation na walang kinalaman ang terorismo sa naturang insidente.