--Ads--

Pinuri ng World Health Organization (WHO) ang patuloy na pagsisikap ng lungsod ng Baguio sa kampanya nito laban sa tabako o ang smoke-free governance sa isinagawang tatlong araw na pagbisita mula Mayo 6 hanggang 8, 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Celia Flor Brillantes, pinuno ng City Health Services Office, ibinahagi niya na mainit na tinanggap ng mga opisyal ng lungsod ang pagbisita nina WHO Regional Director for the Western Pacific Dr. Saia Ma’u Piukala; Dr. Eunyoung Ko, Acting WHO Representative to the Philippines; Dr. Rodel Nodoro, Senior Technical Officer at Acting Regional Human Resources Manager; Dr. Florante Trinidad, Technical Officer for the Tobacco-Free Initiative; at Dr. Amelita M. Pangilinan, Regional Director ng Department of Health-Cordillera.

Ayon kay Dr. Brillantes, sinalubong nila ang mga bisita sa pamamagitan ng “gong” o tradisyunal na seremonya ng pagtanggap gamit ang pagtugtog ng gong.

Ipinaliwanag ng opisyal na pangunahing layunin ng pagbisita ng mga opisyal ang beripikahin ang mga polisiya ng lungsod hinggil sa pagkontrol sa tabako at kung paano ito epektibong naipatutupad. Tinalakay rin nila ang iba pang usaping pangkalusugan tulad ng HIV, dengue, mental health, healthy workplaces, at iba pa.

Kabilang sa mga binisita ng mga opisyal ang Smoke-Free Park sa loob ng Baguio City Hall grounds, kabilang ang Jose Rizal Park partikular sa monumentong “The Golden Blood,” ang Rose Garden, ang “Breathe Baguio” photo area sa Burnham Park, ang Namnama Clinic sa Convention Center, University of Baguio, at iba pang pasilidad.

Ayon pa kay Dr. Brillantes, pinuri ni Dr. Piukala ang patuloy na komitment ng Baguio sa pangangalaga sa kalusugan ng publiko, lalo na sa pagkontrol sa tabako at pagpigil sa non-communicable diseases.

Binigyang-diin ni Dr. Piukala na ang mga hakbang na ginagawa ng Baguio ay hindi lamang nakaka-inspire kundi nagsisilbi ring huwaran para sa iba pang mga bansa sa Western Pacific.

Dagdag pa niya, isa sa mga dahilan kung bakit nais niyang personal na bumisita sa lungsod ay upang mismo niyang masaksihan ang healthcare programs ng Baguio.

Inilarawan ni Dr. Piukala bilang “very impressive” ang mga serbisyong pangkalusugan ng lungsod na nakatuon sa pagprotekta sa susunod na henerasyon — mula sa cancer prevention hanggang sa counseling programs.