--Ads--

Nagbabala si Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy na naghahanda ang Russia ng posibleng malawakang pag-atake sa Ukraine, kasabay ng panawagan sa publiko na maging alerto sa mga air raid warning.

Sa kanyang nightly address, sinabi ni Zelenskyy na mahalaga ang pag-iingat sa mga susunod na oras habang nagpapatuloy ang Russian strikes sa iba’t ibang rehiyon. Sa magkakahiwalay na pag-atake, hindi bababa sa anim katao ang nasawi.

Sa timog-silangang lungsod ng Zaporizhzhia, limang katao ang napatay at sampu ang nasugatan matapos tamaan ng glide bombs ang ilang lugar, ayon sa mga opisyal. Sa Sumy region malapit sa hangganan ng Russia, isa pa ang nasawi sa bomb attack, habang sa Kherson region, isa rin ang namatay sa drone strike.

Tatlong bata naman ang nasugatan sa Poltava matapos ang pag-atake ng Russian shelling.

Kasabay nito, iniulat ni Zelenskyy na gumamit ang Ukraine ng drones laban sa mga oil refinery sa Russia, kabilang ang sa Tyumen region at Moscow area, bilang bahagi ng mas malawak na kampanya nito sa mga energy infrastructure.

Patuloy ang palitan ng malalakas na opensiba sa pagitan ng dalawang panig, habang nananatiling mataas ang panganib sa mga sibilyang lugar sa magkabilang bansa.