--Ads--

Isang bagong yugto ng pag-unlad ang nasaksihan sa bayan ng Balbalan matapos ang pormal na pagpapasinaya ng ₱85-milyong Poswoy Bridge noong Pebrero 23, 2026.

Matatagpuan sa Barangay Poswoy, ang tulay ay nag-uugnay sa mga komunidad ng Poswoy, Ab-abaan, Dao-angan, at Balantoy, na magpapabilis sa biyahe at magpapalawak ng akses sa serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at kabuhayan.

Ang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng PAMANA Program ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU. Pinangunahan ang inagurasyon nina OPAPRU Secretary Carlito Galvez Jr., Gobernador James S. Edduba, at iba pang opisyal ng lalawigan.

Ayon kay Governor Edduba, naging posible ang proyekto sa tulong ni Secretary Galvez, na inampon bilang “Dalutag,” anak ng Kalinga, noong 2023 Founding Anniversary ng lalawigan.

Bagama’t naantala ang konstruksyon dahil sa mga kalamidad, natapos ang tulay noong Disyembre 26, 2025.

Lubos naman ang pasasalamat ng lokal na pamahalaan dahil ang Poswoy Bridge ay hindi lamang daan—kundi simbolo ng pagkakaisa, kapayapaan, at mas maunlad na kinabukasan para sa Balbalan.