--Ads--

LA TRINIDAD, Benguet — Binarikadahan ng Benguet State University (BSU) ang ilang tindahan at palikuran sa loob ng Strawberry Farm noong Marso 5, 2025, matapos matukoy na ang mga ito ay itinayo nang walang pahintulot at legal na kontrata sa pag-upa.

Ayon sa BSU, walang kaukulang dokumento o kasunduan ang mga negosyante sa unibersidad, dahilan upang ituring na ilegal ang kanilang mga istruktura.

Ang hakbang na ito ay batay sa Office Memorandum No. 049, Series of 2025, na inaprubahan ng Property Lease Committee at tinalakay sa pagpupulong ng University Administrative Council noong Pebrero 26, 2025.

Nilinaw ng pamunuan ng BSU na may karapatan ang unibersidad na pangalagaan ang kanilang mga ari-arian.

Ang pagbabakod ay bahagi ng kanilang hakbang upang mabawi ang lupaing nakalaan sa unibersidad at matiyak ang wastong paggamit nito.

Samantala, patuloy na nakikipag-ugnayan ang BSU sa mga apektadong negosyante hinggil sa legal na proseso ng pag-upa sa nasabing lugar.

Matatandaang idinulog ng mga lehitimong nagtitinda ng strawberry sa Bombo Radyo ang naturang suliranin tungkol sa mga iligal na nagtitinda noong nakaraang taon, at ito naman ay ipinaabot sa kinauukulan.