BAGUIO CITY -Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9003 o “Ecological Solid Waste Management Act” sa Office of the Ombudsman ang 50 local government units (LGUs) sa bansa.
Sa pagbisita ni DENR Undersecretary for National Solid Waste Management Noel Felongco sa lunsod ng Baguio, sinabi niya na ang mga nakasuhang LGUs ay lumalabag sa tamang pagtapon ng mga basura.
Dahil dito, sinabi niya na sa ngayon ay isa sa mga pangunahing tututukan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang proper waste disposal alinsunod sa utos ni Environment Sen. Roy Cimatu.
Sinabi pa ni Felongco na mula sa 50 LGUs ay 32 lamang sa mga ito ang sumunod sa utos ng ahensiya.
Aniya, ipinasara ng mga nasabing lokal na pamahalaan ang kanilang open dumpsite at naipasailalim ang mga ito sa rehabilitasyon.
Binanggit ng opisyal na ang mga hindi susunod sa pamantayan ay maaaring magmulta.
Idinagdag niya na maaari ring makasuhan ang alkalde ng isang LGU gayundin ang bise-alkade at ang mga konsehal kung hindi sila susunod sa Ecological Solid Waste Management Act