--Ads--

Kumpleto na ang delegasyon ng Baguio at handa nang lumahok sa iba’t ibang kaganapan ng CARAA Meet 2026 na gaganapin sa lalawigan ng Benguet simula Pebrero 22.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Nino Tibangay, Chief Education Supervisor ng Department of Education–Baguio, may kabuuang 627 delegado ang magmumula sa lungsod.

Dumaan ang mga napiling atleta sa masusing proseso, kabilang ang mga kompetisyon sa antas ng distrito at iba pang qualifying events bago umabot sa regional sports meet.

Inamin ni Tibangay na may ilang koponan, tulad ng football secondary (boys at girls category), softball at baseball, ang naapektuhan dahil sa kakulangan ng maayos na venue para sa ensayo. Gayunman, tiniyak niyang nagsikap pa rin ang mga ito na makapaghanda para sa kompetisyon.

Dagdag pa niya, walang naging problema sa tulong pinansyal para sa mga atleta dahil ang kanilang allowance, insurance, at uniporme ay pinopondohan mula sa Special Education Fund.