--Ads--

AL RUWAYYAH, UAE — Sinubok ng Team Philippines ang tapang, husay, at tibay nito laban sa pinakamahusay na tactical units sa mundo matapos magtapos sa ika-15 puwesto ang Philippine National Police – Special Action Force (PNP-SAF) sa ginanap na 2026 UAE SWAT Challenge.

Sa ikaapat na araw ng kompetisyon, nakalikom ang PNP-SAF Seaborne Unit ng kabuuang 342 puntos matapos makumpleto ang limang pangunahing hamon: Tactical Challenge, Assault Challenge, Officer Rescue, High Tower, at Obstacle Course. Lumahok sa patimpalak ang 109 koponan mula sa 48 bansa, na binubuo ng mga elite special operations units mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Isinagawa ang taunang kompetisyon mula Pebrero 7 hanggang 11 sa Al Ruwayyah Training City. Sinubok dito ang bilis, eksaktong pagtira, koordinasyon, at pagtutulungan ng bawat koponan sa pamamagitan ng iba’t ibang high-risk scenarios. Kabilang sa mga ito ang precision target shooting gamit ang iba’t ibang armas, paglikas ng mabibigat na dummy na sumisimbolo sa sugatang opisyal, pagdaan sa masalimuot na obstacle course, pagbaba gamit ang fast rope mula sa matataas na estruktura, at pagsasagawa ng mga taktikang opensiba sa loob ng itinakdang oras.

Nanguna sa pangkalahatang talaan ang Kazakhstan, kung saan nasungkit ng kanilang “C” at “A” teams ang una at ikalawang puwesto. Pumangatlo naman ang Royal Thai Police “B.” Kumumpleto sa top five ang Russia’s Malakhit Team 3 at China Police Team A.

Pumang-anim ang China Police Team C, sinundan ng Rwanda National Police SWAT Team, State Committee for National Security ng Kyrgyzstan, Palestine Police Special Operation unit, at Royal Thai Police “A” upang buuin ang top 10.

Kasunod nito, pumuwesto sa ika-11 ang Oman Royal Police Special Operations Team; ika-12 ang Kazakhstan “B”; ika-13 ang Kazakhstan Tomiris; at ika-14 ang China Police Team B—patunay sa lalim ng kompetisyon na hinarap ng mga kalahok, kabilang ang Pilipinas.

Pinangunahan ang delegasyon ng Pilipinas ni Police Capt. Allen Dao-ines ng Sagada. Karamihan sa mga miyembro ng koponan ay mula sa Cordillera region: Police Master Sgt. Rickson Saggut (Tinglayan, Kalinga); Police Cpl. Bruceley Balao-as (Balbalan, Kalinga); Patrolman John Brendan Gammong (Pasil, Kalinga); Patrolman Kevin Quezon (Tinglayan, Kalinga); Police Cpl. Jerome Gacayen (Sadanga, Mountain Province); Police Cpl. Alexis Bismonte (Bauko, Mountain Province); Police Cpl. Sylvester Banguigui (Bauko, Mountain Province); at Patrolman Randall B. Tupac (Bauko, Mountain Province). Naging coach ng koponan si Police Senior Master Sgt. Jonathan Accad ng Tinglayan, Kalinga.

Ayon sa mga tagapag-organisa, layunin ng UAE SWAT Challenge na palakasin ang ugnayan at kooperasyong internasyonal ng mga rapid-intervention units mula sa Asya, Europa, Aprika, at Amerika. Nagsisilbi rin itong sukatan ng kahandaan at kakayahan ng bawat koponan batay sa pandaigdigang pamantayan.

Para sa PNP-SAF, mahalaga ang kanilang paglahok dahil nagbigay ito ng mahalagang karanasan at exposure na makatutulong sa higit pang pagpapahusay ng kanilang pagsasanay at operasyon sa loob ng bansa. Sa kabila ng matinding kompetisyon, ipinakita ng koponan ng Pilipinas ang determinasyon at kakayahang makipagsabayan sa mga pinakamahusay sa mundo.