--Ads--

Ipinahayag ng Malacañang na balak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na i-certify as urgent ang bagong panukala na magbibigay sa kanya ng kapangyarihan na bawasan ang excise tax sa langis.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ang umiiral na batas ay para lamang sa 2018 hanggang 2020, kaya kailangan ng bagong batas para mabigyan ang Pangulo ng awtoridad na magbawas ng buwis sa langis.

Sinabi ni Marcos noong Martes na makikipag-usap siya sa mga lider ng Kongreso para mabigyan siya ng kapangyarihan na suspindihin o bawasan ang excise tax kapag umabot sa $80 kada bariles ang presyo ng Dubai crude. Ito ay pansamantalang hakbang para sa agarang lunas sa pagtaas ng presyo ng langis, lalo na sa gitna ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Kaugnay nito, naghain si House Ways and Means Panel Chair at Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo ng House Bill 8257 na naglalayong payagan ang Pangulo, sa rekomendasyon ng Finance Secretary, na suspindihin o bawasan ang fuel excise tax sa ilalim ng mga sumusunod na kondisyon:

Ang average presyo ng Dubai crude oil ay umabot o lumampas sa $80 kada bariles nang tuloy-tuloy ng tatlong buwan bago ang order; o

May deklarasyon ng national emergency o kalamidad na nagdulot ng matinding pagtaas ng presyo ng langis, ayon sa sertipikasyon ng Energy Secretary.

Ang hakbang ay bahagi ng planong tugunan ang epekto ng global oil price surge sa bansa.