Umaasa ang mga Pilipinong mixed martial arts (MMA) fighters na sina Stephen Loman at Drex Zamboanga na makalaban sa iisang event ng BRAVE Combat Federation habang inaasahan nilang makabalik sa aksyon sa ikalawang quarter ng 2026.
Kabilang ang dalawa sa mahahalagang pinirma ng Bahrain-based promotion noong 2025, na lalo pang nagpalakas sa presensya ng mga Pilipinong atleta sa organisasyon.
Ayon kay Zamboanga, magiging espesyal para sa mga Pilipinong fans kung makikita silang parehong lalaban sa iisang event, lalo na’t inaasahan niyang marami ang tututok sa kanilang laban.
Huling lumaban ang dalawang atleta sa ilalim ng ONE Championship noong 2023. Nakaharap ni Loman ang dating Ultimate Fighting Championship fighter na si John Lineker sa isang bantamweight title eliminator, habang natalo naman si Zamboanga sa dikit na split decision laban sa China’s Rui Chen.
Hindi na bago kay Loman ang BRAVE CF matapos siyang lumaban sa inaugural event ng promotion noong 2016. Ang “The Sniper” ay naging kauna-unahang bantamweight world champion ng organisasyon makalipas ang isang taon. Bumalik siya sa promotion noong huling bahagi ng 2025 matapos ang apat na taong pagliban.
Samantala, sumali si Zamboanga sa BRAVE CF noong Pebrero 2025. Ang dating Universal Reality Combat Championship (URCC) bantamweight champion ay umaasang mas mapapalakas pa ng kanilang presensya ang representasyon ng mga Pilipino sa promotion.








