--Ads--

Baguio City – Aabot sa 400 na manlalaro ang makikilahok sa ikaapat na edisyon ng Cordillera Golfers Foundation Inc. Golf Tournament na gaganapin sa John Hay Golf Club at Pinewoods Golf Club.

Ang mga golfer ay nagmula sa iba’t ibang lugar sa bansa, at ang ilan naman ay dumayo pa mula sa abroad, partikular sa Amerika.

Paglalabanan ng mga kalahok ang iba’t ibang kategorya sa team at individual events para sa regular, seniors, at ladies divisions.

Sa kasalukuyan, kinikilala na ang Cordillera Golfers Foundation Inc. Golf Tournament bilang isa sa pinakamalalaking amateur tournament sa Hilagang Luzon.

Aabot sa limampung koponan ang naka-line up sa men’s regular A, B, C, at D titles, habang may tatlumpu’t walong seniors teams sa Class A, B, C, at D. Idinagdag na rin ang ladies division na may limang teams, habang pinayagan na ring makilahok ang mga junior golfers.

Ang malilikom na pondo mula sa golf tournament ay muling ibibigay ng grupo bilang tulong sa iba’t ibang pampublikong ospital sa Cordillera para sa pagbili ng iba’t ibang medical equipment at supplies.

Mula nang maitatag ang grupo noong 2023, nakapag-abot na sila ng napakaraming tulong tulad ng pagpapagawa ng mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa malalayong lugar sa rehiyon.

Nag-donate na rin sila ng mga internet connectivity devices, laptops, at iba pang educational equipment.