Tadian, Mountain Province — Arestado ang isang 36-anyos na lalaki matapos ang isinagawang search warrant operation sa Sitio Am-am, Cadad-anan, Tadian noong Mayo 13, 2026. Kasalukuyan na siyang nasa kustodiya ng pulisya.
Isinagawa ang operasyon sa bisa ng Search Warrant No. 42 na inilabas ng hukuman ng 3rd Municipal Circuit Trial Court ng Besao–Sagada, Mountain Province.
Pinangunahan ang operasyon ng Tadian Municipal Police Station sa ilalim ni Police Captain Dexter D. Ramirez, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) CAR–Mountain Province Provincial Office na pinamumunuan ni Provincial Officer Meyrick E. Calisto, Provincial Intelligence Unit ng Mountain Province Police Provincial Office (MPPPO), at Regional Mobile Force Battalion 15–1502nd Mountain Province Provincial Mobile Force Company.
Sa isinagawang paghahalughog, nakumpiska ang ilang hinihinalang drug paraphernalia at ebidensya, kabilang ang isang bukas na transparent plastic sachet na may bakas ng puting kristal na substansiya, improvised glass tooter na may bakas din ng naturang substansiya, transparent plastic straw na may residue, at berdeng takip na may laman umanong transparent liquid substance.
Narekober din ang iba pang gamit gaya ng mga crumpled aluminum foil, asul na sling bag, unused rolled aluminum foil na may bakas ng white crystalline substance, anim na bundle ng crumpled aluminum foil, lighter na may kalakip na rolled aluminum foils, isang improvised glass tooter, at tatlong bundle ng headless lighters.
Nasa kustodiya na ngayon ng Tadian Municipal Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaso.
Samantala, dumalo bilang witness sa operasyon ang tatlong barangay opisyal mula Barangay Cadad-anan at isang kinatawan ng media upang matiyak ang transparency at maayos na pagsasagawa ng operasyon.











