BAKUN, BENGUET – Makakatanggap ng cash incentives mula sa lokal na pamahalaan ang mga taga-Bakun, Benguet na nagtapos sa kolehiyo na may Latin honors sa ilalim ng Municipal Ordinance No. 13-2025.
Ayon sa ordinansa na ipinasa noong Disyembre 2025, layunin nitong bigyan ng pagkilala at insentibo ang mga natatanging Bakunian graduates, kabilang ang mga senior high school top 3, college graduates na may Latin honors, at mga topnotchers sa board, bar, PPLE, at MARINA examinations.
Sa ilalim ng programa, ang mga college graduates ay tatanggap ng sumusunod na cash incentives:
Summa Cum Laude – ₱10,000
Magna Cum Laude – ₱7,000
Cum Laude – ₱5,000
Batay sa datos na nakuha ng lokal na pamahalaan mula sa iba’t ibang paaralan ngayong taon:
Benguet State University – 1 Magna Cum Laude at 24 Cum Laude
Kings College – 1 Magna Cum Laude
Saint Louis University – 1 Cum Laude
Cordillera Career Development College – 1 Cum Laude
Gayunman, hindi pa pinal ang naturang bilang dahil patuloy pa ang beripikasyon ng listahan ng mga Bakunian graduates mula sa iba’t ibang paaralan.
Samantala, may nakatakda ring cash incentives para sa mga board at licensure examination topnotchers:
Bar/PLE Topnotchers – ₱50,000 hanggang ₱15,000 depende sa ranggo
Board/MARINA Topnotchers – ₱30,000 hanggang ₱10,000 depende rin sa ranggo
Para naman sa top 3 senior high school graduates sa Bakun, makatatanggap ang mga ito ng ₱5,000, ₱3,000, at ₱2,000.
Ayon sa ordinansa, ang paggagawad ng cash incentives, Certificate of Recognition, Plaque, at Resolution of Commendation ay isasagawa tuwing Municipal Town Fiesta o Founding Anniversary ng Bakun. Ang unang awarding para sa mga kwalipikado ngayong 2026 ay gaganapin sa 2027 Town Fiesta.
Layunin ng ordinansa na kilalanin ang husay ng mga Bakunian graduates at topnotchers, gayundin ang mahikayat ang mas maraming kabataan na magsikap sa akademiko at makamit ang kanilang mga mithiin.
Ang ordinansa ay inakda ni Councilor Mark Bayawa at sinuportahan ng lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan. //










