Na-diagnose si Sen. Rodante Marcoleta ng mild pneumonia at degenerative disc disease, ayon sa PNP General Hospital nitong Miyerkules.
Ayon kay Lt. Col. Benaly Bayani ng PNPGH Internal Medicine Department, nakita sa chest X-ray ang pneumonia ng senador, habang mataas din ang kanyang blood pressure na umabot sa 160/90.
Dahil sa kondisyon ng kanyang gulugod, kailangan umano ni Marcoleta, 72, ng rehabilitation at therapy. Sinabi ng ospital na hindi naman ikinababahala ang kanyang mild pneumonia ngunit posibleng mayroon na ito bago siya maaresto.
Hindi pa malinaw kung kailan siya palalabasin ng ospital at dadalhin sa Sandiganbayan o sa itinalagang detention facility.
Itinanggi naman ng PNP na binibigyan ng espesyal na trato ang senador, habang hinihintay pa ng Sandiganbayan ang update kaugnay ng pagbabalik ng warrant at commitment order.








