Kilala ang Benguet-Nueva Vizcaya Road bilang shortcut ng mga biyahero mula Baguio City patungong Cagayan Valley at pabalik. Dahil sa matatarik at matutulis na kurbada ng kalsada, madalas na naaaksidente ang mga motoristang hindi pamilyar sa ruta.
Ayon sa Barangay Ambuklao sa Bokod, Benguet, karamihan sa mga aksidenteng kanilang narerespondehan ay kinasasangkutan ng mga dayuhang motorista o mga hindi sanay sa kurbadang daan. Dahil dito, naisip ng barangay na maglagay ng iba’t ibang babalang signage, kabilang ang kabaong na kalaunan ay naging viral sa social media.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Barangay Captain Reynaldo Tello, sinabi nitong layunin ng kabaong na magsilbing matinding paalala sa mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho. Hinihikayat din nito ang mga drayber na huminto at umidlip muna kung inaantok upang maiwasan ang aksidente.
Aniya, batay sa kanilang obserbasyon, isa sa pangunahing sanhi ng mga aksidente sa lugar ay ang mga drayber na kulang sa tulog ngunit ipinagpapatuloy pa rin ang paglalakbay.
Ayon pa kay Tello, donasyon lamang ang kabaong at napagkasunduan ng konseho ng Barangay Ambuklao na ilagay ito bilang kakaibang paraan upang makuha ang atensyon ng mga motorista, mapabagal ang takbo ng kanilang sasakyan, at maipaalalang may matataas na bangin sa naturang bahagi ng kalsada.
Aniya, sa kahabaan ng Benguet-Nueva Vizcaya Road, partikular sa Ambuklao, ay naitala na ang ilang aksidenteng nauwi sa pagkasawi. Dahil dito, inilagay rin sa kabaong ang mensaheng “Ingatan ang nag-iisang buhay, Magmaneho ng Mahusay” bilang paalala sa lahat ng dumaraan.
Ibinahagi rin ni Tello na noong una ay nakatanggap sila ng iba’t ibang reaksyon mula sa publiko. May mga bumatikos sa kanilang ideya, ngunit marami rin ang nagpahayag ng suporta at nagsabing epektibo itong nagpapaalala sa mga motorista na mag-ingat.
Dagdag pa niya, isa sa positibong naging bunga ng viral na kabaong ay ang naging aksyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Benguet First District Engineering Office. Naglagay ito ng karagdagang warning signages at nangakong maghahain ng pondo para sa pagtatayo ng concrete barriers sa mga delikadong bahagi ng kalsada.
Ayon kay Tello, malaking tulong ang mga hakbang na ito upang mapabuti ang kaligtasan ng mga motorista. Aniya, handa ang barangay na suportahan ang anumang proyekto ng DPWH na makatutulong sa pag-iwas sa mga aksidente.
Sa kasalukuyan, nakatago na sa likuran ang viral na kabaong matapos mailagay ng DPWH ang mga bagong warning signages sa lugar.





