Nagbabala ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na bahagyang tataas ang transmission charge na makikita sa mga singil sa kuryente ngayong Hulyo para sa mga konsyumer sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ayon sa NGCP, tumaas ng 0.77% ang average transmission rate para sa billing period ng Hunyo sa P1.4604 kada kilowatt-hour (kWh), mula sa P1.4492 kada kWh noong Mayo.
Sinabi ng NGCP na ang pagtaas ay dulot ng mas mataas na ancillary service (AS) rates, na umakyat ng 10.18% sa P0.7955 kada kWh mula sa P0.7220 kada kWh noong nakaraang buwan.
Nilinaw ng NGCP na wala itong kinikita mula sa AS charges dahil direktang ibinabayad ang mga ito sa mga power generator at sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP).
Samantala, bumaba naman ang transmission wheeling rate, o bayad sa paghahatid ng kuryente sa transmission grid, sa P0.5058 kada kWh mula sa P0.5607 kada kWh noong Mayo.





