LA TRINIDAD, BENGUET – Tatlong araw na suspensiyon ng klase ang inirekomenda sa ilang paaralan sa La Trinidad, Benguet, mula Oktubre 28 hanggang 30, kasunod ng kumakalat na social media post na nagbabanta ng posibleng pamamaril.
Ayon kay La Trinidad Mayor Roderick Awingan, seryoso ang naturang banta sa kabila ng sumunod na pahayag na prank lamang umano ang nasabing post.
Iniulat na ang insidente sa La Trinidad Municipal Police Station at iba pang law enforcement agencies upang masuri ang mga pangyayari at matukoy ang posibleng panganib.
Nakikipag-ugnayan din ang lokal na pamahalaan sa mga kinauukulang paaralan hinggil sa pansamantalang suspensiyon ng face-to-face classes habang isinasagawa ng mga awtoridad ang security verification at campus security assessment.
Humingi rin umano ang lokal na gobyerno ng karagdagang tulong mula sa cybercrime unit upang matukoy ang pinagmulan ng naturang pagbabanta.
Samantala, hinimok ni Awingan ang publiko na sumunod sa mga opisyal na abiso ng mga paaralan, iwasang magpakalat ng mga impormasyong hindi pa beripikado, at direktang iulat sa pulisya ang anumang impormasyong may kaugnayan sa insidente.
Binigyang-diin ng alkalde na prayoridad ng lokal na pamahalaan ang kaligtasan ng mga mag-aaral at personnel ng mga paaralan.
Matatandaang una nang sinuspinde ng San Jose School of La Trinidad, Incorporated, High School Department, ang kanilang face-to-face classes at pansamantalang lumipat sa online at home learning habang isinasagawa ang pagsusuri sa seguridad ng kanilang campus.











