Ang pananahimik ng publiko sa mga isyung kinakaharap ng Pilipinas, tulad ng korapsyon at iba pang suliranin sa pamahalaan, ay isa sa mga nakikitang dahilan kung bakit patuloy na bumabagal ang pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Sa mensahe ni Mayor Benjamin Magalong sa isinagawang programa, ibinahagi niya na madalas niyang naririnig ang tanong na ito tuwing bumibisita siya sa iba’t ibang lugar: “Meron pa ba kaming kinabukasan?”
Dagdag pa niya, patuloy na humihirap ang buhay ng mga mamamayan dahil sa korapsyon.
“We bleed because of the gold they stole. Hence, we must never allow our voices to go silent,” ani Magalong.
Samantala, nagpahayag din ng pasasalamat si La Trinidad Mayor Roderick Awingan sa pagkakatatag ng M4GG, B1M at Kasimbayanan (Mayor for Good Governance, Bawat Isa Mahalaga at Kasimbayanan) sa kanilang munisipalidad.
Ayon kay Awingan, ang tatlong organisasyon ay nagtataguyod ng mabuting pamamahala, transparency at aktibong pakikilahok ng publiko sa mga usaping panlipunan. Layunin ng mga ito na hikayatin ang mga mamamayan na makibahagi sa mga programa at gawaing makatutulong sa pagkakaroon ng maayos at magandang kinabukasan para sa kanilang komunidad at sa buong bansa.
Kaugnay nito, ang pagkakatatag ng M4GG, B1M at Kasimbayanan ay kauna-unahang pagkakataong isinagawa sa lalawigan ng Benguet at ikalawa naman sa buong Rehiyon ng Cordillera.
Ibinahagi rin ng alkalde na mahigit 200 na ang miyembro ng Mayor for Good Governance (M4GG). Samantala, nabanggit naman ni Mayor Magalong na may ilang hamon sa paghikayat sa mga alkalde na maging bahagi ng naturang organisasyon dahil sa iba’t ibang kadahilanan.











