Hinihiling ng opisyal ng Alliance of Health Workers ang dagdag na pondo para sa sektor ng kalusugan at ang direktang paglalagay nito sa mga ospital, sa halip na ipadaan pa sa mga politiko, upang mas mabilis na mapakinabangan ng mga pasyente ang serbisyo.
Ito ay kasabay ng pagdiriwang ng Workers’ Day.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Edwin Pacheco, VP ng NKTI AHW, iginiit niya na dapat ay direkta sa mga ospital ibinibigay ang pondo upang hindi na kailanganin pang dumaan ng mga pasyente sa kung sinu-sinong politiko para sa tulong medikal.
Nang tanungin tungkol sa kalagayan ng mga ospital, inilarawan niya itong “kalunos-lunos” dahil sa kakulangan ng mga hospital bed, nurses, doktor, at iba pang health professionals. Marami rin umano sa mga ito ang nangingibang bansa upang makahanap ng mas maayos na sahod at oportunidad.
Ayon sa kanya, bagama’t magagaling ang mga Pilipinong health worker, napipilitan silang umalis ng bansa dahil hindi natutugunan ng gobyerno ang kanilang pangangailangan, partikular na sa sahod at benepisyo.
Giit pa niya, imbes na mapataas ang kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa bansa, lalo pa itong bumababa dahil sa kakulangan ng suporta.
Nanawagan ang grupo ng mas mataas na sahod para sa mga health worker sa pampubliko at pribadong sektor upang mahikayat silang manatili sa bansa at patuloy na maglingkod sa Pilipinas.





