BAGUIO CITY – Patuloy ang pagsisikap ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) para matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyan matapos maitala ang sunod-sunod na sagupaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng grupo sa probinsiya ng Kalinga.
Nito lamang Mayo trentay uno, Hunyo sais at Hunyo siyete ng kasalukuyang taon ay naka-engkwento ng 54th Infantry Division at 103rd Infantry Battalion ang aabot sa tatlumpung miyembro ng Komiteng Larangang Guerilla Baggas sa Barangay Balbalan Proper, Balbalan, Kalinga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PCapt. Tyrone John Balanay, Acting Chief of Police ng Balbalan Municipal Police Station, walang nasugatan sa hanay ng gobyerno at sibilyan habang nasagip naman ang isang Vice Squad Leader ng Kilusang Larangang Gerilya (KLG) Baggas na nasugatan sa engkwentro.
Kinilala ito sa pangalang Gap-idan Bawit, no. 9 wanted person sa Periodic Status Report Threat Group (PSRTG) para sa 4th Quarter ng nakaraang taon.
Ayon kay PCapt. Balanay, patuloy ang kanilang isinasawang follow-up investigation sa nasabing insidente.
Samantala, tiniyak ni Captain Melchor Keyog, Civil-Military Operations Officer ng 503rd Infantry Brigade na mas papaigtingin pa nila ang insurgency campaign lalong-lalo na sa mga paaralan para maiwasan ang recruitment sa mga kabataan.
Hinimok naman ni Police Captain Ruff Manganip, Public Information Officer ng Kalinga Police Provincial Office ang mga natitirang rebelde na sumuko na sa gobyerno dahil walang magandang maidudulot ang kanilang ipinaglalaban na napatunayan ilang taon na ang nakakalipas.