--Ads--

BAGUIO CITY – Posible umanong masampahan ng verbal abuse ang isang guro na nagviral kamakailan dahil sa mga masasamang salita na binitawan nito sa klase.

Makikita kasi sa viral video na galit na galit ang guro habang naka-live ito sa tiktok.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Atty. Ronald Perez, Presidente ng Regional Federation of Parent Teacher Association, sinabi nitong kung ibabase lamang sa video ay may paglabag ang nasabing guro sa batas.

Aniya, posibleng humarap ng administrative charges ang babaeng nasa video kung mapatutunayang isa itong guro sa pampublikong paaralan at kung kasalukuyan nga itong nasa klase habang naka-live sa tiktok.

Ipinaliwanag ni Atty. Perez na sa ilalim ng Child Protection Act ng Department of Education, pwedeng makasuhan ang sinumang indibidual na mang-aabuso sa loob ng paaralan, kung saan sa kaso ng babaeng nagviral ay maaring verbal abuse.

Ayon kay Atty. Perez, naobserbahan na mas naging sensitibo ang mga mag-aaral sa kasalukuyang panahon kaya kailangan na maging maingat ang mga gurong sa kanilang pakikitungo.

Gayunpaman, aminado naman ang nasabing opisyal na may mga ilang guro ang mapang-abuso kaya mahalagang magkaroon ng programa at training para sa mga ito upang maging epektibo ang kanilang pagtuturo.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Atty. Perez ang magulang na disiplinahin nila ang kanilang mga anak dahil mas mahirap umano ang mga ito na turuan sa kasalukuyang panahon.

Sa kasalukuyan ay bineberipika ng Department of Education ang viral video para malaman kung isa nga itong guro at para mabigyan ng kaukulang aksyon.