--Ads--

Kasalukuyang pinag-aaralan ng pangulo ng Baguio-Benguet Jeepney Federation ang reklamo hinggil sa ilang jeepney na umano’y nagsasakay ng pasahero nang lampas sa itinakdang kapasidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Wilson Bumay-et, Presidente ng Baguio-Benguet Jeepney Federation na nakatatanggap sila ng mga reklamo kaugnay sa isyung ito.

Hinimok niya ang publiko na agad i-report ang ganitong mga insidente sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o sa mga miyembro ng jeepney cooperative upang maaksyunan kaagad.

Binigyang-diin ni Bumay-et na hindi tama ang ganitong gawain at dapat itong matigil.

Samantala, sinabi rin niya na sa kasalukuyan ay hindi pa sila nakikilahok sa tigil-pasada dahil hindi ito prayoridad at hindi rin aniya nito nalulutas ang mga suliranin ng sektor. Ayon sa kanya, ang mas pinagtutuunan nila ng pansin ay ang kapakanan ng bawat isa.

Gayunpaman, tiniyak niya na maaari silang magsagawa ng tigil-pasada sakaling patuloy na maging negatibo ang kanilang kita.