BAGUIO CITY – Muling iginiit ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ang mungkahing pagsisingil ng P250 congestion fee ay para lamang sa mga bisita at turista na papasok sa central business district at hindi kasama rito ang mga government vehicles, mga jeepneys, emergency cases at mga residente ng lungsod.
Kasunod nito ang walang tigil na kritisismo at negatibong komento na natatanggap ng lokal na pamahalaan ng Baguio mula sa publiko.
Ayon kay Mayor Magalong, posibleng mabawasan ang halagang makokolekta na congestion fee, depende sa magiging kasunduan sa mga ipapatupad na public consultation.
Nilinaw pa ni Mayor Magalong na ang pagsisingil ng congestion fee ay hindi sa lahat ng pagkakataon kundi may nakatakdang oras kung kailan sila maniningil partikular sa peak hour sakaling maaprobahan ang nasabing mungkahi.
Batay sa pag-aaral na isinagawa ng isang pribadong kompanya, kailangan ang P250 na congestion fee para masolusyonan ang mabigat na daloy ng trapiko.
Ayon sa pribadong kompanya, posible umano na hindi papansinin ng mga motorista kung mababa lamang ang congestion fee na sisingilin sa kanila.
Ang congestion fee ay bahagi ng proposed Smart Urban Mobility Project na kasalukuyang pinag-aaralan ng lokal na pamahalaan na may layuning mabawasan ang mahaba at mabigat na daloy ng trapiko sa City of Pines lalong-lalo na sa weekends at holidays.