--Ads--

BAGUIO CITY – Muling pinatunayan ng Baguio E-Lions ang kanilang dominasyon sa baseball secondary matapos masungkit ang kampeonato sa Cordillera Administrative Region Athletic Association (CARAA) Meet 2025, tangan ang malinis na rekord na walang talo sa buong torneo.

Sa pambungad nilang laro, agad nilang ipinamalas ang lakas nang durugin ang Team Abra sa iskor na 25-0.

Hindi rin nakaporma ang Team Benguet sa sumunod na laban, matapos silang gapiin ng Baguio E-Lions, 19-3.

Sa ikatlong laro, nagpatuloy ang pananalasa ng koponan matapos nilang pataubin ang Team Apayao, 11-0, upang tiyakin ang kanilang puwesto sa finals.

Sa championship game, matinding hamon ang ibinigay ng Team Kalinga, ngunit nanaig pa rin ang kumpiyansa at diskarte ng Baguio E-Lions.

Nagtala sila ng 13-9 panalo upang selyuhan ang kanilang titulo bilang bagong hari ng baseball secondary sa rehiyon—matapos ang tatlong taong paghihintay.

Pinangunahan ng kanilang head coach na si Rafael Lapeña at assistant coach Bernardino Danglay ang 15-man team, katuwang ang mga trainer na sina Mario Kimpay, Genesis Pangda, Mark Talay, at Clyde Alindeg.

Sa husay at determinasyong ipinakita ng Baguio E-Lions, hindi maikakailang sila pa rin ang pwersa ng baseball secondary sa Cordillera, handang harapin ang mas matitinding kompetisyon sa hinaharap.//Cara Sacyaten