--Ads--

BAGUIO CITY – Pinaghahandaan na ng Baguio JKrayonz Dance Crew ang nalalapit na kompetisyon kasunod ng pagkapili ng grupo upang kumatawan sa Pilipinas sa United Dance Organization-Asia Pacific sa Si Racha Bangkok, Thailand na magsisimula sa Abril 3 hanggang Abril 8 sa kasalukuyang taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wreigh Jann Tamayo, coach at choreographer ng JKrayonz Dance Crew, puspusan ang paghahanda ng grupo sa nasabing kompetisyon kung saan plano nilang magdagdag ng cordilleran twist sa hip-hop at streetdance choreography na kanilang binubuo.

Ayon kay Tamaya, sumabak ang grupo sa qualifying round na ginanap sa Lingayen, Pangasinan noong Lunes, Marso a kuatro na linahokan din ng magagaling na dance group.

Ang mananalo sa United Dance Organization-Asia Pacific ay magkuwakuwalipika na lumaban sa world competition na gaganapin sa United Kingdom ngayong taon.

Samantala, ang tanging hamon sa inaasahang biyahe ng grupo sa Thailand ay ang kawalan ng pasaporte ng ilang miyembro ngunit agad itong naresolba sa tulong ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa pagpapabilis ng pagproseso nito.

Ang JKrayonz Dance Crew ay itinuturing na isang collective team dahil ang mga miyembro nito ay binubuo ng mga mag-aaral mula sa iba’t ibang paaralan sa Baguio City, gayundin ang mga dating miyembro ng Archers Dance Troupe at Koolitz Dance Crew.