BAGUIO CITY – Idineklarang overall champion ang Team Baguio sa katatapos na Muay Thai National Open na ginanap sa Elorde Sports Complex, Sucat, Parañaque City
Ayon kay Bryan Olod, presidente ng Muay Thai Association of the Philippines – Baguio Chapter, nakasungkit ang Team Baguio ng 17 gold medals, 15 silver medals at 7 bronze medals sa nasabing aktibidad.
Binanggit niya na aabot sa 143 na atleta mula sa iba’t-ibang martial arts gyms sa lungsod ang sumali sa national open.
Nagpasalamat si Olod sa lahat ng sumuporta sa kanilang pangkat lalong lalo na sa lokal na pamahalaan ng lungsod dahil sa paglalaan nila ng pondo para sa transportasyon, allowance at uniporme ng mga atleta.
Maaalalang nagkampeon din ang Baguio Muay Thai Team sa 2016 Muay Thai National Championship at sa Muay Thai National Open na idinaos sa Baguio City noong Marso.
Sinabi ni Olod na pagkatapos ng ikalawang ikot ng national open ay maghahanda na ang Baguio Team para sa ikatlong ikot ng Muay Thai National Open na gaganapin sa Hulyo sa Dumaguete City.