Baguio City- Dumalo ang mga kinatawan ng Sangguniang Panlungsod ng Baguio sa Barangay Assembly Day na ginanap sa Dominican-Mirador Elementary School.
Pinangunahan ni Punong Barangay Carol Domogan at Sanguniang Barangay ang taunang pagtitipon.
Dito ay inihayag ni Coun. Edison Bilog ang plano ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng one-stop shop para sa pagproseso ng mga permit sa bawat distrito sa Baguio City.
Kinomendahan din ni Bilog ang pagkakaroon ng sariling kooperatiba ng Barangay Dominican-Mirador.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Coun. Paolo Salvosa ang mga residente na kailangang sundin at mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa pagbebenta ng alak pagsapit ng alas-diyes ng gabi, na makatutulong sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa bawat barangay.
Ang Barangay Assembly ay isang pagtitipon ng mga residente ng isang barangay kung saan ipinapaliwanag at iniuulat ng mga opisyal ng barangay ang mga programa, proyekto, pondo, at mga isyu sa komunidad.
Layunin nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na malaman ang kalagayan ng kanilang barangay at makilahok sa pagpaplano at pagdedesisyon.
Ito ay isinasagawa alinsunod sa Local Government Code of the Philippines (Republic Act No. 7160), na nag-uutos na dapat magkaroon ng barangay assembly hindi bababa sa dalawang beses sa isang taon, karaniwan tuwing Marso at Oktubre.//Bombo Jordan Tablac











