Baguio City – Iginiit ni Baguio City Congressman Mauricio Domogan na dapat ipaglaban ng lokal na pamahalaan ang karapatan nitong makuha ang 247 ektarya sa Camp John Hay mula sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Sa isang panayam, sinabi ni Domogan na malinaw sa Condition No. 16 mula sa 19 Conditionalities na dapat ibalik sa lungsod ang 247 ektaryang sakop ng Camp John Hay sa oras na magpaso ang lease contract.
Ipinaalala niya na ang 19 Conditionalities ay nakapaloob sa Resolution 362-1994 ng lokal na pamahalaan, na in-adopt din ng BCDA. Kabilang din dito ang Condition No. 14 na nagtatakda ng paghihiwalay ng 13 barangay mula sa sakop ng Camp John Hay.
Binigyang-diin ni Domogan na napakahalaga ang Condition No. 16 dahil nakasaad dito na ibibigay sa Baguio City ang leased premises—na may kabuuang 247 hectares—nang walang anumang obligasyon o bayarin mula sa lungsod.
Ayon sa kanya, maliwanag ang desisyon ng Korte Suprema na napaso na ang lease contract sa pagitan ng BCDA at Camp John Hay Development Corporation (CJHDevCo), kaya dapat na itong tuparin ng BCDA.
Dahil dito, muling hinimok ni Atty. Domogan ang lokal na pamahalaan na magsampa ng kasong Specific Performance with Prayer for Mandatory Preliminary Injunction laban sa BCDA upang ipatupad ang kondisyon.
Dagdag pa niya, pinatibay na rin ng Korte Suprema ang legalidad ng 19 Conditionalities sa pagitan ng BCDA at siyudad.
Kasabay nito, inihayag ni Domogan ang kanyang kasiyahan nang malaman niyang inihahanda na ni Mayor Benjamin Magalong ang pagsasampa ng kaso laban sa BCDA dahil sa umano’y hindi pagtupad nito sa mga probisyon ng 19 Conditionalities.
Aniya, matagal na niyang hinihikayat ang mga opisyal at mamamayan ng Baguio na magkaisa at ipagtanggol ang karapatan ng lungsod sa Camp John Hay.
Gayun man, sinabi ng kongresista na malabo nang singilin ng lungsod ang humigit-kumulang P4 bilyong share nito mula sa BCDA. Ipinaliwanag niya na batay kasi sa desisyon ng arbitral court, walang karapatan ang BCDA na mangolekta mula sa CJHDevCo, at wala ring obligasyon ang naturang developer na magbayad sa BCDA.
Sa ilalim ng 19 Conditionalities, ang 25% share ng Baguio City ay ibinabase lamang sa koleksiyon ng BCDA. At dahil wala umanong nakolekta ang BCDA mula sa CJHDevCo, sinabi ni Domogan na wala ring basehan ang 25% share na hinihingi ng lungsod.
Maliban dito, pinasasauli din ng arbitral court sa BCDA ang lahat ng kinolekta nito mula sa CJHDevCo.//ASP










