--Ads--

Nakuha ng Cordillera Region ang ika-6 na puwesto sa overall senior division mula sa kabuuang 17 rehiyon, habang ika-7 naman sa youth division.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Daphnie Palaez, Assistant Head Delegation ng University of the Cordilleras para sa PRISAA 2026, sinabi niyang positibo pa rin ang naging performance ng Cordillera kahit bahagyang bumaba ang kanilang puwesto kumpara noong nakaraang taon. Aniya, mas malalaki at mas kumpleto ang delegasyon ng ibang rehiyon.

Ayon pa sa kanya, mahigit 600 ang bilang ng delegado ng ibang rehiyon, habang 252 lamang ang delegado ng Baguio City para sa senior division at 54 naman para sa youth division. Sa kabila nito, nanatiling highly competitive ang Cordillera Region.

Batay sa resulta ng senior division, nanguna ang Central Visayas na may 132 gold, 73 silver, at 55 bronze medals. Pumangalawa ang Western Visayas, pumangatlo ang SOCCSKSARGEN o Region 12, pang-apat ang CALABARZON o Region IV-A, at panlima ang Negros Island Region na siya ring host region. Samantala, nagtapos ang Cordillera Region sa ika-6 na puwesto na may 22 gold, 52 silver, at 61 bronze medals.

Para naman sa youth division, nanguna ang Central Visayas, sinundan ng Western Visayas, Bicol Region, CALABARZON, Negros Island Region, at Central Luzon. Nagtapos naman sa ika-7 puwesto ang Cordillera Region na may 31 gold, 17 silver, at 21 bronze medals.

Karamihan sa mga atleta ng Cordillera ay nag-excel sa individual at dual events tulad ng archery, athletics, badminton, tennis, at boxing. Sa men’s archery, nakakuha sila ng 6 sa kabuuang 8 gold medals.

Ayon kay Palaez, isa sa pinakamalaking hamon para sa mga atleta ang matinding init ng panahon na kakaiba at nakapanibago para sa mga kalahok mula sa Cordillera.

Batay naman sa tala, walang napaulat na malubhang pinsala sa mga atleta, bagama’t may ilang nakaranas ng ubo at sipon.

Dagdag pa niya, mas kumpleto ang kanilang delegasyon noong nakaraang taon kumpara ngayong taon dahil wala silang kalahok sa Mutya ng PRISAA, PRISAYAWAN, softball, billiards, at iba pang events, ngunit itinuring pa rin nila itong isang magandang kampanya para sa rehiyon.