BAGUIO CITY – Arestado ang isang dalagang drug personality sa drug buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Cordillera sa Barangay City Camp Proper sa Lungsod ng Baguio kaninang madaling araw.
Nakilala ito na si Maricel Mangalos Porcioncula, 22-anyos, walang asawa at residente ng Barangay Tuding, Itogon sa Benguet.
Nakatakas naman ang dalawa nitong kasama dahil si Porcioncula lamang ang lumabas sa sasakyan na ginamit sa transaksyon.
Nakuha mula sa kanya ang isang pakete na naglalaman ng isang gramo ng pinaghihinalaang shabu, isang piraso ng genuine P1,000 bill at siyam na piraso ng P1,000 na boodle money.
Dahil dito, nahaharap si Porcioncula sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Una nang nakulong ang suspek dahil sa kaparehong kaso ngunit nakalaya rin makaraang ibasura ang kasong isinampa laban sa kanya.