--Ads--

BAGUIO CITY – Iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na hindi niya personal na kilala si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo maging ang sinumang miyembro ng pamilya nito.

Ito ang inihayag ng nasabing opisyal sa isang event sa Philippine Military Academy sa Fort Gregorio del Pilar, Baguio City.

Ito ay matapos maiugnay ang naturang mayor sa mga iligal umanong aktibidad na nangyayari sa Tarlac City.

Kabilang dito ang kanyang tunay na pagkakakilanlan, ang kanyang pagkakasangkot sa dalawang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at ang mga hub na nagpapaunlak sa mga ito.

Inihayag ng kalihim na nalulungkot siya dahil nakapasok na sa kanilang lungsod ang mga illegal criminal syndicate activities.

Aniya, dapat panagutin ang local at national government dahil imposibleng si Mayor Alice Guo lamang ang sangkot dito.

Kinuwestiyon din ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr ang mga dating miyembro ng Philippine National Police kung paano nakatakas ang mga iligal na aktibidad.

Dagdag pa niya na hindi aniya mahalaga kung ano ang pinagmulan ni Mayor Guo at hindi rin mahalaga kung ahente ito ng Tsina o hindi dahil ang mahalaga ay ang pagkakasangkot nito sa mga ilegal na aktibidad na nakakasira sa bansa.

Una nang pinaigting ang imbestigasyon kontra kay Mayor Guo kasabay na pinahigpit na imbestigasyon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mga “pekeng Pilipino”.