Nagtipon sa Tabuk City, Kalinga ang mga beterinaryo mula sa iba’t ibang lugar sa Northern Luzon para sa ikalawang Cordillera Administrative Region (CAR) Annual Veterinary Convention and Scientific Conference na ginanap noong Nobyembre 18 hanggang 20.
Pinangunahan ng Kalinga Veterinary Medical Practitioners Association (KVMPA), sa pamumuno ng presidente nitong si Dr. Mark Stephen Ballog, ang tatlong araw na kumbensiyon na may temang “Manchatchatong: One Health for All, Strengthening the Human-Animal-Environment Connection.”
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Tabuk City Mayor Darwin C. Estrañero ang suporta ng lokal na pamahalaan sa City Veterinary Office, kabilang ang planong magdagdag ng mga permanenteng kawani upang mapalakas ang paghahatid ng mga serbisyong beterinaryo sa mga residente.
Nagkaroon din ng mga talakayan hinggil sa rabies sa tao, pamamahala sa mga sakit at iba pang usaping pangkalusugan, sa pangunguna ng mga resource speaker na sina Dr. Edward Tandingan, Dr. Maria Micklay at Dr. Samantha Licudine.
Bilang bahagi ng aktibidad, nagkaloob din ang mga beterinaryo ng libreng bakuna at spay and neuter services para sa mga alagang hayop noong Nobyembre 20. Namahagi rin ang mga partner organization ng dog food at supplements sa mga pet owner.
Layunin ng kumbensiyon na palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga beterinaryo, palakasin ang ugnayan ng mga propesyonal at itaguyod ang kalusugan ng tao, hayop at kapaligiran sa pamamagitan ng One Health approach.
Samantala, tiniyak ni Mayor Estrañero ang patuloy na suporta ng lungsod sa asosasyon at ipinahayag ang kahandaang muling maging host ng ikatlong taunang veterinary convention sa Tabuk City sa susunod na taon.











