Kinumpirma ng Department of Health (DOH) – Cordillera na walang kaso ng Nipah virus sa buong rehiyon, kabilang ang Baguio City. Ayon sa DOH, wala ring kumpirmadong kaso sa buong bansa hanggang Pebrero 4 ngayong taon.
Tiniyak ng ahensya na mahigpit nilang binabantayan ang lahat ng port of entry sa bansa upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Ayon kay Dr. Mae Kemeny Manogan, Medical Officer IV ng Regional Epidemiology Surveillance Unit ng DOH Cordillera, bagama’t wala pang kumpirmadong kaso sa rehiyon, nananatiling alerto ang ahensya at hindi nagpapanic.
Ipinaliwanag niya na ang Nipah virus ay maaaring maipasa mula sa hayop sa tao sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain o direktang kontak. Ang ilan sa mga nahawaan ay asymptomatic, ngunit ang karaniwang sintomas ng mga may sakit ay lagnat, hirap sa paghinga, sakit ng ulo, pagkahilo, at ubo.
Dagdag ni Dr. Manogan, dapat agad magtungo sa ospital ang sinumang makaranas ng mga sintomas ng Nipah virus upang mabigyan ng tamang pangangalaga. | via Bombo Noveh Organo











