--Ads--

Sinabi ni dating Senate President Franklin Drilon na maaaring umabot sa Korte Suprema ang kontrobersyal na pag-amyenda sa Senate rules upang payagan ang virtual participation at pagboto ng mga senador.

Ayon kay Drilon, posibleng may “grave abuse of discretion” ang Senado sa paraan ng pagpasa ng panukala, matapos umano itong dalhin ng mayorya sa plenaryo kahit wala nang umiiral na Committee on Rules dahil sa pagbabago ng liderato.

Naniniwala rin si Drilon na konektado ang panukalang virtual voting sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Tinawag niya itong “Bato Amendment,” dahil umano layunin nitong payagang makaboto si Senador Ronald dela Rosa kahit malayuan.

Samantala, sinabi rin ni Senate Minority Leader Tito Sotto na posibleng dumulog sila sa Korte Suprema kung hindi maresolba ang isyu sa Senado.

Binigyang-diin ni Drilon na kinakailangang pisikal na present sa session hall ang mga senador upang makaboto, maliban lamang sa panahon ng pandemya at emergency situations.