--Ads--

BAGUIO CITY – Mas maraming medalya ang naiuwi ng Philippine team sa 2026 ASEAN Para Games sa Thailand kumpara sa mga nakaraang laro.

Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Arniel Ferrera, coach ng Philippine team para sa ASEAN Para Games 2026, nag-uwi ang Pilipinas ng 38 gintong medalya, mas mataas kaysa sa sampung medalya ng Cambodia.

Aniya, maraming aktibidad ang isinagawa bilang bahagi ng kanilang estratehikong paghahanda, kabilang ang pakikilahok sa 2024 Para National Games. Lumabas din ang mga atleta sa training center at idinisentralisa ang kanilang pagsasanay.

Isinagawa rin ang coaches education sa iba’t ibang lugar gaya ng Lingayen, Pangasinan, Pasig, South Luzon, Silang, Cavite, Cebu, at Davao upang mas mapahusay ang kakayahan ng mga coach.

Si Ferrera, na dating coach ng Philippine National Team para sa Para Athletes, ay nagbahagi na hindi madali ang kanyang paglalakbay, ngunit kailangan niyang magsikap at mag-adjust upang maging matagumpay sa kanyang tungkulin.

Bago pa man maging coach ng Para Athletes, dumalo muna ito ng iba’t ibang seminar at orientation na naging daan upang mas maihanda ang mga para athletes sa kanilang mga kompetisyon.

Sa kasalukuyan, maraming pambansang at internasyonal na kompetisyon ang nakahanay para sa mga para athletes sa bansa, na nagpapatunay sa patuloy na pag-unlad ng sports para sa mga may kapansanan. | via Bombo Benjo Guzman