--Ads--

Baguio City — Isang halimbawa ng tunay na kabayanihan ang ipinamalas ng apat na mag-aaral ng Grade 10 mula sa Pinsao National High School matapos nilang magsauli ng nahulog na pouch na naglalaman ng ₱98,000.

Sina Elryxton Simon, Zypher Pidaoc, Janren Gonnawa, at Warren Wa-ay ang mga estudyanteng nakakita sa naturang pouch.

Sa halip na itago o gamitin ang pera, agad nilang dinala ito sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang maibalik sa tunay na may-ari.

Ang naturang halaga ay koleksyon ng mga lokal na masahista na dapat sana’y ide-deposito ng kanilang kasamahan na si Mr. Hombrebueno.

Hindi niya namalayang nahulog na pala ito mula sa kanyang bulsa.

Ang nasabing insidente ay umani ng papuri mula sa komunidad, lalong-lalo na sa hanay ng mga guro at kapulisan.

Pinuri rin ang kanilang guro na si Gng. Gemar B. Pawid na nagsilbing gabay ng mga estudyante sa pagpapahalaga sa katapatan.

Sa panahon kung saan kadalasang kinukuwestyon ang tiwala sa kapwa, ipinakita ng mga kabataang ito na ang mabuting asal at integridad ay buhay na buhay pa rin—hindi lamang itinuturo, kundi isinasabuhay.